Showing posts with label Usaping art. Show all posts
Showing posts with label Usaping art. Show all posts

Monday, August 31, 2009

Walang nakapansing mali

Setyembre na! Pasko na! Papasok na ang buwan ng nagtatapos sa 'er'. Sa Pilipinas, sigurado akong mamayang madaling araw, may magpapatugtog na ng awit Pamasko. At sigurado rin ako na 'Pasko Na Sinta Ko' ni Gary V ang patutugtugin nila. Ito na nga marahil ang pambansang pamaskong awit ng Pilipinas, kahilera siempre ng iba pang mga klasikong awitin gaya ng:

1. Ang Pasko ay Sumapit ni Ka Levi Celerio
2. Miss Kita Kung Christmas ni Susan Fuentes
3. Christmas in Our Hearts in Jose Mari Chan

E, hindi naman tungkol dito ang aking post.

Kaninang umaga, habang pinagmamasdan ko ang aking office diary dahil sa papalapit na pagbabagong buwan, napansin ko ang larawang ito sa Setyembre: isang paalala sa tamang pagmamaneho.

Pero pansinin mo, may mali sa advert nila.


Ano iyon? Sige na, kabayan, pag-isipan mo. Pagkatapos ay mag-iwan ka sa akin ng mensahe. Sa ika-5 ng Setyembre, sasabihin ko kung ano iyong maling tinutukoy ko.

Monday, August 17, 2009

Sining ng wallpapers

Sa paglalakbay ko sa kung saan-saan, sa tuwing wala akong ginagawa, hindi ko mapigilan ang humanga sa iba't-ibang kulay at disenyo ng mga vector graphics, vector wallpapers at vector arts na nakikita ko.

Napakarami na ngang brushes ang na-i-download ko para sa aking Photoshop. Kulang na nga lamang ay ang kaalaman ko sa pagdidisenyo. Sino'ng makapagsasabi, malay natin, baka isang araw, isang gawang sining na rin ang maialay ko kahilera ng mga artworks na ito.

Iyon nga lamang, sa tingin ko'y matatagalan pa sya ng lubha bago ko matutunan ang lahat.

Heto ang mga nadalaw kong wallpapers mula sa vector wallpaper website na nakapagpamangha sa akin. Maaari mo silang gamitin sa iyong blog ngunit ipinapakiusap kong bigyan ninyo ng sapat na credits ang may-ari.

Libre ito ngunit hindi nangangahulugang maaari natin silang angkinin na gawa natin. Dahil gawa ito ng iba -- pinaghirapan at pinag-ukulan ng panahon, tama lamang na ibalik natin sa kanila ang papuri.







Friday, August 14, 2009

Umamin ka: 24/7 Internet Addict ka di ba?

Gaano nga ba katindi ang internet? Matinding matindi. Ngayong weekend lang, hindi na ako halos umalis ng bahay para lamang makapaglaro ng Luxor, makapag-Skype, mag-update ng Facebook, makapag-YM, makapagblog hop, manood sa YouTube, magdownload ng music gamit ang utorrent, etc.

Medyo nga kapag nawawala ang koneksyon ng DSL namin, nakakaramdam ako ng pagkainis; pagkaunsyami. (Minsan nga'y may mura pang kasama -- Ingles na mura kaya hindi masakit sa tenga -- sh-t, darn, holy cow, for Ch---t's sake, bullocks, etc).

Ngayong umaga nahuli ako sa opisina. E paano kasi'y hatinggabi na'y nakatunganga pa ako sa internet. (Sayang naman ang pinang-taxi ko...sh-t, darn, holy cow, for Ch---t's sake, bullocks, etc).

Ikaw, kailan ka nagbasa muli ng isang nobela, o nakapanood ng isang mainam na pelikula, o nakapamasyal sa tabing dagat kaya?

O heto, magtawa ka at basahin mo ang iyong sarili sa ilan sa mga comic cartoons na ito...

Huwag ka nang magkaila, natawa ka rin gaya ko, dahil alam mong totoo lahat ang dialogue sa komiks na ito, hindi ba?

Ang lahat ng ito'y hango mula sa cartoonbank.com.




Wednesday, August 12, 2009

Whew! Kaya ba ng lola mo 'to?

Bukas pa dapat ako maglalaba pero naisip ko mainit nga pala sa toilet kung saan ako naglalaba. Ilang araw na rin kasing mainit sa Saudi. Maalinsangan pa nga kaya't ilang minuto pa lamang sa loob ng toilet ay tagaktak na ako sa pawis. Kaya Miyerkoles pa lang ng gabi ay naglaba na ako. Bukas, tanghali na lamang ako gigising. Dayoff e!

Wala namang kinalaman ang paglalaba ko sa post na ito. Kanina lang kasi, upang maibsan ang pagod ko sa paglalaba ng mga damit ko, pinatugtog ko nang malakas ang aking tv habang nasa RTL siento-dos y cinque (102.5). Istasyon sya sa telebisyon (free to air) kung saan pinapakita ang mga bagong music videos.

Kanina muli kong napanood ang The Hardest Part ng Coldplay. Matagal ko na itong napanood at kahit ilang beses ko syang panoorin, iisa lagi ang reaksyon ko: wow! Lagi akong napapahalakhak at napapamangha ng video nila.

Heto, panoorin mo.



Whew! Kung sakaling buhay pa si Apong, ang tawag ko sa aking lola, hindi nya ito kakayanin. Sigurado ako.

Thursday, July 30, 2009

Kakaibang superest heroes

Kagagala. Kapapasyal. Kalilibot. Ayan. Marami na naman akong nakitang kaiga-igayang likhang sining. (Patawad po at kung mapapansin ninyo, puro banyaga ang napupuntahang kong lugar. Hayaan ninyo't minsang isang araw, gawang Pinoy naman ang pag-uukulan ko ng atensyon).

Heto sila. Iba't-ibang mga tauhan sa website ni Sutter at Kevin. Mga Superest (o Super Heroes ng makabagong panahon). Puro mga likhang kamay at kahit pa nga napakaiksi ng caption nila ay talaga namang katawa-tawang tingnan.





Iba't ibang superhero sa iba't ibang araw. Ang galing hindi ba?

Saturday, July 11, 2009

Katawatawang nakakatuwang billboard ads

Maliit pa man ako, madalas na akong napapamangha sa mga naggagandahang billboard ads sa highway. Naalala ko pa nga tuwing bakasyon namin sa probinsya at sa tuwing dadaan kami sa Luzon Expressway sakay ng Pantranco, madalas nakakita ko ang mga pagkalaki-laking billboard ng mga patalastas tungkol sa mga fertilizers, nakatayo sa gitna ng malawak na palayan.

Nang huli akong umuwi sa Pinas, isang billboard ad ang nagpahalakhak sa akin sa istasyon ng LRT. Nakalimutan ko na kung sino ang may gawa. Para yatang sa isang eye clinic. Sayang wala akong kamera. Pero ikukuwento ko na lang ang itsura. Isang malaking litrato ng magandang babae na nakayakap sa isang matandang lalaki. Ang caption: Studies say that more women lose the clarity of their vision faster than men. O parang ganun. Tawa ako nang tawa.

(Isa pa yata nilang billboard ad na nakita ko naman sa EDSA ay isang matandang naggugupit ng bata. Nakasimangot ang bata dahil puro uka-uka ang pagkaka-ahit ng buhok nya. Ang caption: Poor eyesight leads to poor performance. O parang ganun. Tulad sa nauna, tawa ako nang tawa).

O di tumawa ka na rin sa mga sumusunod:








Sinipi ko ang mga patalastas na nakapaskil dito mula sa mga sumusunod na sites:

Adbroad
Best Design Options

Monday, July 6, 2009

Paalam, Michael

Tawagin mo man akong baduy, buong giting kong inaamin na hanga ako kay Michael Jackson at isa ako sa mga nalumbay nang siya ay mamaalam.

Dahil?

Dahil...

1. Nuong bata pa ako, laging naglalaro sa isip ko ang awit na 'Ben';

2. Minsan ko ring sinayaw ang 'Thriller' nung high school;

3. Nung ako'y nasa kolehiyo, isa sa mga hinangaan kong lyrics ang awiting 'Man in a Mirror'.

4. Malapit sa puso ko ang buhay ni Michael (sa kung paanong malapit din sa puso ko si Nora Aunor). Alam mo yung ganung pakiramdam...yung palaging kampi sa mga api. Masisisi mo ba ako? Pinoy ako e.

5. Siya lang ang naringgan ko ng ganitong sagot sa tanong na why do you love Filipinos?: '...because of their holy smiles...'.

A, basta. Nalungkot ako nang lumisan si Michael.

Ang ilan sa mga sumusunod na likhang artwork patungkol kay Michael Jackson ay hango mula sa Best Design Options.




Tuesday, June 2, 2009

Ibang klaseng 'buhok'

Muli na naman akong natuwa sa kagagala sa labas ng Tutubi. Nakita ko kasi ang tahanan ng Hair, The Musicale at narinig ang hindi ko naman paborito ngunit gustong awiting Age of Aquarius. Ngunit ang lalo ikinahanga ko ay ang iba't ibang kulay nilang mga posters.

Kakaiba ang disenyo. Kabigha-bighani ang mga kulay. At tunay namang kahanga-hanga.

Pinakinggan ko rin ang kanila musika. Kung nais mo, maari mo rin silang dalawin.





Monday, June 1, 2009

Kulang ako sa choreography

Kinatamaran ko na naman ang pagsusulat. Gaya ng ibang bagay sa buhay ko, naging masipag lang ako sa una. Wala pa sa kalagitnaan, parang napagod na kaagad ako.

Manaka-nakang sumisipa ang guilt dahil hindi ako dapat maging tamad. Isa akong Pilipinong masipag, may tiyaga, may determinasyon. Pero bakit nga ang simpleng pagsusulat sa blog ay waring kinatamaran ko na rin.

May nabasa ako kamakailan tungkol sa writer's block. Ang sabi, hindi raw ito totoo. Kulang ka lang daw sa imahinasyon at research kaya waring nabablangko ang isip mo.

Kailangan ko lang ng tamang choreography. Iyon ang napapansin kong uso ngayon.

Una, nanalo ang Diversity sa Britain's Got Talent. Mahusay ang choreography nila. Kahanga-hanga.

Pangalawa, naglalaban ngayon sa Tony Awards ang apat na mahuhusay na palabas pang-teatro: Irving Berlin’s White Christmas, Hair (larawan sa ibaba), 9 to 5 at Billy Illiot. Wala pa akong napapanood ni isa sa kanila at sa hinagap ko'y hindi ko sila makikita kahit kailanman (maliban na lamang kung manalo ako sa lotto at mapadpad ako sa Broadway Street ng Tate).


Pero ang sa wari ko'y pare-pareho silang mahuhusay. Katulad din iyon ng kung paano ako pinahanga, maraming taon na ang nakalipas, ng Encantada ni Agnes Locsin para sa Ballet Philippines. At dahil nilapatan pa ito ng musika ni Joey Ayala ng Bagong Lumad, ito'y naging paborito kong ballet dance sa tanang buhay ko.

Mahusay at tamang choreography ng pagsusulat. May lambing at hagod. May pag-aaral at tiyaga. Iyon ang mga dapat kong pag-aralan upang muling mabuhay ang bahay ni Tutubi.

Tuesday, May 19, 2009

Wari'y hinabing banig sa hinabing kwento

Madalas akong maghanap ng inspirasyon sa pagsusulat. Madali akong mabighani kapag ang isang gawa ay pinag-isipang mabuti, kakaiba ang dating at talaga namang kahanga-hanga. Kahit pa nga simple lang ito.

Kagabi, nabasa ko ang isang artikulo sa New York Times. Tungkol sa Berlin Wall ang kwento. Pero higit sa magandang pagkakahabi ng sanaysay, mas napatulala ako sa mga artwork. Simpleng paggamit ng papel na may magkaibang-kulay at hinabi na parang banig.

Isang araw, makapaghahabi rin ako ng isang kasing-gandang disenyo tulad nito.





Tunay ngang kabilib-bilib.

Sunday, April 26, 2009

Kulay itim

Ikaw? Ano'ng kulay mo...?
Hango ito mula sa isang email na natanggap ko. Ang sabi, isinulat daw ang tula ng isang batang egoy at nanalo raw ang tula sa isang UN competition. Totoo man ito o hindi, isinalin ko ang gawa sa wikang Pilipino bilang papuri sa sinumang may gawa nito.

Itim akong ipinanganak
Lumaki akong itim pa rin
Itim pa rin kapag ibinilad sa araw
Itim pa rin kapag natatakot
At pagkakasakit, nangingitim din
Mamamatay akong kulay...itim.

Ikaw na puti ang balat
Pink ka nang ipanganak
Nang lumaki'y naging puti
Namumula sa ilalim ng araw
Kulay bughaw naman kapag giniginaw
Tuwing natatakot, ika'y naninilaw
At kapag nagkasakit, nagiging luntian
At sa iyong pagkamatay, nagiging kang kulay abo.

At ang tawag mo sa akin ay 'colored'?

(Ang larawan sa ibaba ay mula sa http://www.allposters.com/ at iginuhit ni Frank Morrison. Maari mo pang makita ang ibang gawa ni Frank Morrison dito).

Title: The Thinker
Artist: Frank Morrison
Type: Art
PrintSize: 18 x 22 in
Item #: 1249111
Ang orihinal na tula sa wikang Ingles ay nagsasabing...:

When I born, I black
When I grow up, I black
When I go in Sun, I black
When I scared, I black
When I sick, I black
And when I die, I still black

And you white fellow
When you born, you pink
When you grow up, you white
When you go in sun, you red
When you cold, you blue
When you scared, you yellow
When you sick, you green
And when you die, you gray
And you calling me colored?


Ako? Bilib ako sa kulay ko...ako ay Pilipino!

Ang makukulay na daigdig ng 70's wallpaper

Pasintabi kay Tutubi. Nawala muna sya panandali sa post na ito upang bigyang daan ang ilang magagandang graphics.

Natagpuan ko ang mga patterns na ito mula sa http://www.colourlovers.com/.

Mga 70's-inspired ang pagkakadibuho at tunay namang nakaka-aliw sa paningin.





Marami ka pang maaaring pagpilian at kunan ng inspirasyon kung dadalawin mo lamang ang kanilang site.

Tuesday, April 21, 2009

Wala pang bubong ang bahay kong ito

Ang headers ang una ko laging napapansin sa mga blogs. Parang bubong ng bahay ang tingin ko.
Matagal na panahon ding hindi nakapagtala ng saloobin si Tutubi. Marami kasing bagay ang nasa isip kaya hindi magkaroon ng oras upang ibahagi ang kanyang mga nakaraang araw. Ganyan nga talaga ang buhay. Marami tayong nakakalimutan paminsan-minsan.

Hindi ko naman napabayaan ang pahina kong ito. Tingnan mo nga't iba na naman ang tahanan ni Tutubi sa pagnanasang maiba sa karamihan. Hindi ko pa natatapos ang
header na magsisilbing bubong ng aking tahanan. Minsan isang araw, matatapos ko rin ito.

Marami na rin akong napagdaanang mga blogs ng kapwa Pinoy, ng kapwa taga-Saudi, mga kapwa OFW. Karamihan sa kanila malalaman ang sinasabi. Pero iisa lang ang lagi kong napagtutuunan ng pansin -- ang mga magagandang headers. Para sa akin kasi, ito ang unang-unang nakikita sa isang blog. Kung gaano pinag-isipan ang bubungan ng tahanan.

Minsan isang araw, ililista ko rito ang mga nagustuhan kong blog headers na magsisilbing inspirasyon sa aking sariling bubong.

Monday, April 13, 2009

Iginuhit ng may lihim na ngiti

Iginuhit ka ng simple. Makahulugan. Ngiting mananatili kailanman.
Pagmasdan mo syang mabuti. Napakasimple ng kanyang ngiti ngunit punong-puno ng kahulugan. Ang kwento nya ay kung ilang ulit nang nilaro ng guni-gunit at magalaw na imahinasyon. Sya'y sinasabing asawa, ina, kalaguyo, lalaki, dyosa.

Simple lamang ang likhang sining ni Leonardo Da Vinci ngunit ito ang pinakatanyag sa lahat ng gawang sining ninuman. Kung anu-anong teorya na nga ang ikinabit sa larawan. May ilang nagsasabing ang modelo sa canvass ay ina ni Da Vinci. O baka nga rin si Da Vinci mismo. O composite ng maraming modelo na pinagtagpi-tagpi ni Da Vinci.

May lihim ang iyong ngiting hindi malaman kung saan nagmula.
Ang mga matang mong may kislap, waring nangungusap.

Inawit sya, isinadula, nilapatan ng tula at isinapelikula, sa pagnanasang malaman ang tunay na lihim sa likod ng napaka-among mukha.

At habambuhay kang tititigan nang walang sawa,
Dahil ang pahiwatig mo'y magkakaiba, nag-iiba.

Kung may isang bagay ang naituro sa akin ng likhang sining na Mona Lisa, ito ay ang katotohanang ang sining na pinagbuhusan ng puso at panahon, walang hanggang hahangaan.

Kailanma'y patuloy na lamang huhulaan ang dahilan ng iyong ngiti --
ngiting kahit walang hanggang panahon ang di makapagpapawi.

Mona Lisa

Ang larawan ni Mona Lisa ay hinango ko mula sa Museo ng Louvre.

}:{ Nais mo bang mabasa ang iba ko pang sanaysay?...