Showing posts with label Usaping blog. Show all posts
Showing posts with label Usaping blog. Show all posts

Monday, August 17, 2009

Sining ng wallpapers

Sa paglalakbay ko sa kung saan-saan, sa tuwing wala akong ginagawa, hindi ko mapigilan ang humanga sa iba't-ibang kulay at disenyo ng mga vector graphics, vector wallpapers at vector arts na nakikita ko.

Napakarami na ngang brushes ang na-i-download ko para sa aking Photoshop. Kulang na nga lamang ay ang kaalaman ko sa pagdidisenyo. Sino'ng makapagsasabi, malay natin, baka isang araw, isang gawang sining na rin ang maialay ko kahilera ng mga artworks na ito.

Iyon nga lamang, sa tingin ko'y matatagalan pa sya ng lubha bago ko matutunan ang lahat.

Heto ang mga nadalaw kong wallpapers mula sa vector wallpaper website na nakapagpamangha sa akin. Maaari mo silang gamitin sa iyong blog ngunit ipinapakiusap kong bigyan ninyo ng sapat na credits ang may-ari.

Libre ito ngunit hindi nangangahulugang maaari natin silang angkinin na gawa natin. Dahil gawa ito ng iba -- pinaghirapan at pinag-ukulan ng panahon, tama lamang na ibalik natin sa kanila ang papuri.







Tuesday, July 21, 2009

200

E nabasa ko lang naman po na mas mainam raw ang maiksi. Sigurado akong hindi kasarian ang pinag-uusapan dito.

Bakit 200 ang pamagat? Nabasa ko kasi sa A Brief Message (hilig ko ang maggala nang maggala), na mainam ang maiksing panulat dahil mas nagiging hitik ito. Hindi na nga raw uso ang pahabaan.

Para bang ratiles na prutas na kahit maliit ay ubod naman ng tamis.

Parang langgam na kahit maliit ay kapupulutan ng ka-higanteng aral ng kasipagan.

Parang turnilyo sa wristwatch mo na kapag nawala ay nawawalan ng saysay ang kabuuan ng iyong relo (kahit gaano mo pa ito nabili ng mahal).

Kung kaya't mula ngayon, sisikapin kong maging kasing iksi ng 200 salita ang aking post. Magkagayo'y sisiguraduhin ko naman magiging hitik ito sa laman, kaalaman at mga kuwento.

E di simulan na natin. Ito'ng post na ito ay binubuo ng 146 na salita.

Tuesday, June 9, 2009

Tunay ka bang lalaki?

Nadalaw mo na ba ang site ng tunay na lalaki? Dalawin mo at matatawa ka. Sa pamagat pa lamang...Hay!Men (na katunog ng parte ng ari ng babae), napahagalpak na ako ng tawa.

Pero ang mas higit na katawa-tawa ay ang kanilang mga akda sa kung sino ba ang tunay na lalaki.

Sabi ng kanilang manifesto, ang tunay na lalaki raw ay:
...di natutulog.
...di nagte-text-back, maliban na lang kung papasahan ng load. Gayunpaman, laging malabo ang kanyang mga sagot.
...laging may extra rice.
...hindi vegetarian.
...walang abs.
...hindi sumasayaw.
...umaamin ng pagkakamali sa kapwa tunay na lalake.
...laging may tae sa brief.
...di naghuhugas ng pinagkainan o nagliligpit ng kanyang mga gamit dahil may babaeng gagawa noon para sa kanya. Mas lalong nagiging tunay ang pagkalalake kung di niya kilala o di niya maalala ang pangalan ng babae.
...di nagsisimba.

Hindi ako tunay na lalaki dahil...

1. Matakaw ako sa tulog. Super.

2. Wala akong extra rice. Konti nga lang ang kanin ko palagi dahil ayokong tumaba (lalo!).

3. Ang aerobics ba ay pagsasayaw? Kung oo, pwes, hindi ako tunay na lalaki.

4. Madali akong umamin ng kasalanan at wala akong kasariang pinipili sa pangungumpisal. Kahit pa nga hangin ay kakausapin ko upang maibsan ang dalahin ng aking konsensya.

5. Ako ang tagahugas ng pinggan sa bahay namin, tagalinis ng kusina, tagapunas ng lamesa.

6. Laging malinis ang brief ko. Laging kulay puti. Para kung sakaling ma-aksidente ako at kinakailangang hubdin ng mga doktor ang aking brief, makikita nilang malinis ito. E kung sa ibang bahay ako mapunta at kinakailangan ko ring mag-alis ng brief, hindi ba't mas kaaya-aya na makitang malinis ang panloob ko. Mabuti na iyon kesa kumalat ang usap-usapan na ang brief ni Tutubi ay multi-color , mukhang madumi, me tae at mapanghi. Nakakahiya naman, hindi ba?

7. Tamad akong magsimba pero nagsisimba pa rin ako dahil obligasyon ko iyon bilang Katoliko.

Isa lang yata ang pagkakakilanlan sa akin bilang tunay na lalaki: malaki ang aking tiyan.

Lahat na nga yata ng bagay ay kinilatis ng nakakatawang website, pati na ang isang baso ng tubig.

Sabi nila, ang malinis na tubig raw ay tunay na lalaki dahil...


ito ay tasteless. (Hahahaha!).

Marami pang nakakatawang akda ang blogsite na ito. Dalawin mo at alamin kung tunay ka ngang lalaki.

Monday, June 1, 2009

Kulang ako sa choreography

Kinatamaran ko na naman ang pagsusulat. Gaya ng ibang bagay sa buhay ko, naging masipag lang ako sa una. Wala pa sa kalagitnaan, parang napagod na kaagad ako.

Manaka-nakang sumisipa ang guilt dahil hindi ako dapat maging tamad. Isa akong Pilipinong masipag, may tiyaga, may determinasyon. Pero bakit nga ang simpleng pagsusulat sa blog ay waring kinatamaran ko na rin.

May nabasa ako kamakailan tungkol sa writer's block. Ang sabi, hindi raw ito totoo. Kulang ka lang daw sa imahinasyon at research kaya waring nabablangko ang isip mo.

Kailangan ko lang ng tamang choreography. Iyon ang napapansin kong uso ngayon.

Una, nanalo ang Diversity sa Britain's Got Talent. Mahusay ang choreography nila. Kahanga-hanga.

Pangalawa, naglalaban ngayon sa Tony Awards ang apat na mahuhusay na palabas pang-teatro: Irving Berlin’s White Christmas, Hair (larawan sa ibaba), 9 to 5 at Billy Illiot. Wala pa akong napapanood ni isa sa kanila at sa hinagap ko'y hindi ko sila makikita kahit kailanman (maliban na lamang kung manalo ako sa lotto at mapadpad ako sa Broadway Street ng Tate).


Pero ang sa wari ko'y pare-pareho silang mahuhusay. Katulad din iyon ng kung paano ako pinahanga, maraming taon na ang nakalipas, ng Encantada ni Agnes Locsin para sa Ballet Philippines. At dahil nilapatan pa ito ng musika ni Joey Ayala ng Bagong Lumad, ito'y naging paborito kong ballet dance sa tanang buhay ko.

Mahusay at tamang choreography ng pagsusulat. May lambing at hagod. May pag-aaral at tiyaga. Iyon ang mga dapat kong pag-aralan upang muling mabuhay ang bahay ni Tutubi.

Sunday, April 26, 2009

Ang makukulay na daigdig ng 70's wallpaper

Pasintabi kay Tutubi. Nawala muna sya panandali sa post na ito upang bigyang daan ang ilang magagandang graphics.

Natagpuan ko ang mga patterns na ito mula sa http://www.colourlovers.com/.

Mga 70's-inspired ang pagkakadibuho at tunay namang nakaka-aliw sa paningin.





Marami ka pang maaaring pagpilian at kunan ng inspirasyon kung dadalawin mo lamang ang kanilang site.

Friday, April 24, 2009

PEBA 2009

Wala namang edad ang pagkatuto...
Wala na naman akong nagawa ngayong weekend sa Saudi. Puro pag-aaral lang sa Photoshop na sa dami ng mga clickable items ay hindi ko malaman ang uunahin. Minsan isang araw, malalaman ko rin ito.

Ang lahat naman ng tao, kung gugustuhin, madaling matutunan ang mga bagay -- lumang kaalaman man o bago. Sabi nga nila habang nagkakaedad ang isang tao, dapat laging may natututunang bago. Ito ay para patuloy na mahasa ang utak.

Ang pag-aaral ng Photoshop ang paraan ko upang mahasa ang aking isip.

PEBA 2009

Nais ko sanang lumahok sa patimpalak ng PEBA (Pinoy Expats Blog Awards) hindi para manalo kundi para makasalamuha ang iba pang Pinoy na naninirahan at namamasukan sa ibang bansa na gaya ko. Pero dahil nga kapiraso lang ang nalalaman ko sa graphic arts, sa palagay ko hindi ko makakayang makagawa ng artwork banner ng PEBA.

Ganunpaman, hayaan nyo na lamang na makilahok ako sa pamamagitan ng pagpapaskil ng kanilang patimpalak na may temang:

Filipinos Abroad: Hope of the Nation, Gift to the World

(Translation ko: Overseas Pinoy: Pag-asa ng bayan; biyayang handog para sa mundo)

OFW: May husay na galing at talinong maipagmamalaki.

OFW: Handog ng Pinoy sa mundo...
Bukas ang patimpalak sa lahat ng OFWs o expatriates na nagsusulat ng blog. (Tanong ko lang at wala sanang makaisip ng masama: Sa usapin ng pagtatrabaho sa ibang bansa, ano ang kaibahan ng OFW at Pinoy expatriate? Tingin ko pareho lang sila pero mas tanggap -- ibig sabihin, politically correct -- ang term na OFW. Ang expatriate kasi parang medyo maka-kanluranin sa pandinig).

Pero wala naman sa term yan; nasa puso.

Kaya expatriate man ang tingin mo sa sarili mo o OFW kaya, tara na! Sali ka na sa PEBA 2009.