Showing posts with label Kulay. Show all posts
Showing posts with label Kulay. Show all posts

Friday, August 21, 2009

Dilaw ang kulay ngayon

Para sa araw na ito, handog ko sa pag-ala-ala sa kamatayan ni Ninoy ang isang self-portrait ng aking favorite coffee mug.

Kung nasaan ka man Ninoy, toast ng isang maalab na kape! Pang-gising sa natutulog kong isip.



Mula sa website ng I Am Ninoy ang mga sumusunod na talata.

Ako ay Bayani.
Ako'y kumikilos ayon sa pinaniniwalaan kong tama.
Ako'y kumikilos ayon sa pinaniniwalan kong mabuti.
Ako'y nakikibaka para sa katarungan.
Ako'y nakikibaka para sa kalayaan.
Akosininoy.

I am a Hero.
I do what I believe is Right.
I do what I believe is Good.
I fight for Justice.
I fight for Freedom.
iamninoy.

Monday, August 17, 2009

Sining ng wallpapers

Sa paglalakbay ko sa kung saan-saan, sa tuwing wala akong ginagawa, hindi ko mapigilan ang humanga sa iba't-ibang kulay at disenyo ng mga vector graphics, vector wallpapers at vector arts na nakikita ko.

Napakarami na ngang brushes ang na-i-download ko para sa aking Photoshop. Kulang na nga lamang ay ang kaalaman ko sa pagdidisenyo. Sino'ng makapagsasabi, malay natin, baka isang araw, isang gawang sining na rin ang maialay ko kahilera ng mga artworks na ito.

Iyon nga lamang, sa tingin ko'y matatagalan pa sya ng lubha bago ko matutunan ang lahat.

Heto ang mga nadalaw kong wallpapers mula sa vector wallpaper website na nakapagpamangha sa akin. Maaari mo silang gamitin sa iyong blog ngunit ipinapakiusap kong bigyan ninyo ng sapat na credits ang may-ari.

Libre ito ngunit hindi nangangahulugang maaari natin silang angkinin na gawa natin. Dahil gawa ito ng iba -- pinaghirapan at pinag-ukulan ng panahon, tama lamang na ibalik natin sa kanila ang papuri.







Saturday, July 11, 2009

Katawatawang nakakatuwang billboard ads

Maliit pa man ako, madalas na akong napapamangha sa mga naggagandahang billboard ads sa highway. Naalala ko pa nga tuwing bakasyon namin sa probinsya at sa tuwing dadaan kami sa Luzon Expressway sakay ng Pantranco, madalas nakakita ko ang mga pagkalaki-laking billboard ng mga patalastas tungkol sa mga fertilizers, nakatayo sa gitna ng malawak na palayan.

Nang huli akong umuwi sa Pinas, isang billboard ad ang nagpahalakhak sa akin sa istasyon ng LRT. Nakalimutan ko na kung sino ang may gawa. Para yatang sa isang eye clinic. Sayang wala akong kamera. Pero ikukuwento ko na lang ang itsura. Isang malaking litrato ng magandang babae na nakayakap sa isang matandang lalaki. Ang caption: Studies say that more women lose the clarity of their vision faster than men. O parang ganun. Tawa ako nang tawa.

(Isa pa yata nilang billboard ad na nakita ko naman sa EDSA ay isang matandang naggugupit ng bata. Nakasimangot ang bata dahil puro uka-uka ang pagkaka-ahit ng buhok nya. Ang caption: Poor eyesight leads to poor performance. O parang ganun. Tulad sa nauna, tawa ako nang tawa).

O di tumawa ka na rin sa mga sumusunod:








Sinipi ko ang mga patalastas na nakapaskil dito mula sa mga sumusunod na sites:

Adbroad
Best Design Options

Monday, July 6, 2009

Paalam, Michael

Tawagin mo man akong baduy, buong giting kong inaamin na hanga ako kay Michael Jackson at isa ako sa mga nalumbay nang siya ay mamaalam.

Dahil?

Dahil...

1. Nuong bata pa ako, laging naglalaro sa isip ko ang awit na 'Ben';

2. Minsan ko ring sinayaw ang 'Thriller' nung high school;

3. Nung ako'y nasa kolehiyo, isa sa mga hinangaan kong lyrics ang awiting 'Man in a Mirror'.

4. Malapit sa puso ko ang buhay ni Michael (sa kung paanong malapit din sa puso ko si Nora Aunor). Alam mo yung ganung pakiramdam...yung palaging kampi sa mga api. Masisisi mo ba ako? Pinoy ako e.

5. Siya lang ang naringgan ko ng ganitong sagot sa tanong na why do you love Filipinos?: '...because of their holy smiles...'.

A, basta. Nalungkot ako nang lumisan si Michael.

Ang ilan sa mga sumusunod na likhang artwork patungkol kay Michael Jackson ay hango mula sa Best Design Options.




Monday, June 15, 2009

Paglaladlad ng Tsina

Nagbabago na nga ang panahon. Maging ang Tsina na syang pinagmulan ng sibilisasyon ng mundo at dati-rati'y naninirahan sa makalumang pananaw at pinamumugaran ng paniniwalang nagmula pa kay Comrade Mao, ay lumabas na sa kanyang aparador. Nagladlad na ang Tsina!

Natawa ako nang mabasa ko ang isang artikulo sa New York Times tungkol sa kauna-unahang pride day ng Tsina.

Natawa ako hindi dahil katawa-tawa ang larawan sa ibaba. Natawa ako dahil pinatunayan na naman ang paniniwalang patuloy na dumadami ang mga bakla kahit hindi ito nanganganak.



Maging dito sa Saudi Arabia, sinasabi nilang bawal ang mga bakla ngunit sa tuwing maglalakad ako sa kalye, marami akong nakikitang mga ate ko.

Para sa akin, ang pagiging bakla ay hindi sakit. Ito ay isang choice. Isang piniling pamumuhay. Psychological ba ito? Siguro. At dahil ito'y hindi sakit, hindi ito dapat inuman ng gamot o lunaan ng doktor. Piniling pamumuhay ito na dapat harapin ng buong tapang, ng may paninindigan at kabuuan ng loob.

Para sa akin, angel ang mga bakla. Masaya silang kasama. Walang oras ng kalungkutan. Lagi silang kapupulutan ng aral at kuwento. At higit sa lahat, sila ang pinaka-responsableng nilalang na nakita ko sa ibabaw ng mundo: mapagkalinga ng pamilya, matulungin sa ibang tao at palaging bukas ang puso sa awa. Malambot nga ang kanilang puso at ito ang wala sa karamihan ng mga sinasabing straight. Ito ang kawalan ng mga straight.

Tuesday, June 2, 2009

Ibang klaseng 'buhok'

Muli na naman akong natuwa sa kagagala sa labas ng Tutubi. Nakita ko kasi ang tahanan ng Hair, The Musicale at narinig ang hindi ko naman paborito ngunit gustong awiting Age of Aquarius. Ngunit ang lalo ikinahanga ko ay ang iba't ibang kulay nilang mga posters.

Kakaiba ang disenyo. Kabigha-bighani ang mga kulay. At tunay namang kahanga-hanga.

Pinakinggan ko rin ang kanila musika. Kung nais mo, maari mo rin silang dalawin.





Saturday, May 23, 2009

Sariling pagkukulay

Kumain kami sa The Pizza Company nuong nakaraang linggo at nabigyan kami ng coloring books. Masarap ang pizza nila. Makapal ang crust at cheesy ang dough. Paborito ko ang seafood pizza dahil hindi nagpapanggap ang mga hipon at meron din crab meat.

Ngayong araw na ito, itinuloy ko pa rin ang pag-e-enjoy sa Pizza Company.

Dahil wala akong magawa at dahil bagot na bagot ako sa opisina, napag-isipan kong kulayan ang isa sa mga pahina ng libro na nakuha ko ng libre.

Ito ang tunay na larawan kung saan dapat ibatay ko ang mga kulay.



Ito naman ang aking sariling interpretasyon.



Malayong-malayo sa tunay na kulay. Mas lalong malayo sa nais na iparating na mensahe.

Hindi na nga ako bata. Ang bata kasi, susundin niya ang totoong kulay ayon sa pinagsisipian.

Dahil may sarili na akong karanasan at pamantayan ng tama at mali, iba na rin ang pananaw ko sa mga kulay -- at sa buhay.

Tuesday, May 19, 2009

Wari'y hinabing banig sa hinabing kwento

Madalas akong maghanap ng inspirasyon sa pagsusulat. Madali akong mabighani kapag ang isang gawa ay pinag-isipang mabuti, kakaiba ang dating at talaga namang kahanga-hanga. Kahit pa nga simple lang ito.

Kagabi, nabasa ko ang isang artikulo sa New York Times. Tungkol sa Berlin Wall ang kwento. Pero higit sa magandang pagkakahabi ng sanaysay, mas napatulala ako sa mga artwork. Simpleng paggamit ng papel na may magkaibang-kulay at hinabi na parang banig.

Isang araw, makapaghahabi rin ako ng isang kasing-gandang disenyo tulad nito.





Tunay ngang kabilib-bilib.

Saturday, May 16, 2009

Ano ang kulay ng blangko

Paano nga ba mailalarawan ang blangko? Isang puting papel na walang sulat? Isang garapong walang laman? Isang utak na maraming sala-salabat na ugat ngunit hindi gumagana? Eto ako ngayon. Blangko.

Hindi ko alam kung saan ba nagmula ang salitang homesick. Siguro sa home at sa sick (hindi ba halata?). Siguro gustong-gusto ko nang umuwi at nalulumbay akong lubha na makapiling ang aking mga mahal sa buhay. At sa sobrang lungkot, nagkakasakit na ako sa kaiisip. Iyon na nga marahil ang homesick. Pakiramdam na may gusto kang gawin pero hindi mo alam kung ano. May gusto kang gawin para maalis ang isip mo sa kalungkutan, pero sa kasamaang-palad naman, waring nakikiayon ang mga pangyayari sa iyong kalungkutan. Sandstorm sa labas. Kulay lupa ang langit. Walang mga bituin. Malungkot ang mga palabas sa telebisyon.

Hmmmm...

Lilipas din ang mga ito. Lilipas din ang pakiramdam na ito.


-----------Walang kinalaman sa titulo ng post ko-----------

Malugod kong binabati ang mga tagapagtaguyod ng PEBA 2009 dahil naging matagumpay ang kanilang patimpalak. Malugod ko ring binabati ang mga nanalo lalo na kay Azel (na sadya namang karapat-dapat na manalo). Ito ang aking pangako: sasali ulit ako sa mga susunod pang patimpalak ng PEBA.

Wednesday, May 6, 2009

Makukulay na pelikulang Pinoy



Ito ang mga pelikulang gusto kong panoorin ngayon Huwebes at Biyernes.

Wala kasi akong pasok sa Saudi.

Ikaw? Gusto mo bang malaman ang mga pelikulang bagong labas sa Pinas?

Bakit hindi mo dalawin ang Film Development Council?




Thursday, April 30, 2009

Bughaw na Biyernes sa Saudi



Papaikot na parang kamay ng orasan ang pagkakasunod-sunod ng larawan: Asul na bote mula sa Earth911, ang serye sa BBC na Blue Planet, ang Blue Lagoon sa Iceland, sapatos na Nike at ang paborito ng mga pamangkin kong Blue's Clues.

Nalulumbay ako. Sa ingles, I'm blue. Kaya ito ang mga nakolekta ko ngayong Biyernes sa Saudi.

Ikaw, ano'ng kulay ang Biyernes mo, sa Saudi man o kahit saan?

Wednesday, April 29, 2009

Kulay puti

Ikinasal na si Juday. Habang binabasa ko ang mga balita sa kanya, isang kulay lang ang naiisip ko palagi. Puti.

Ngayong weekend, dadalaw ako sa Ikea sa Dhahran para ma-inspire sa napakaraming kulay ng mga kagamitan. Pero mas magiging partikular ako sa puti.

Puti ang kulay ng araw ko ngayon.

At heto ang daan patungo sa Ikea Dhahran.