Thursday, July 30, 2009

Kakaibang superest heroes

Kagagala. Kapapasyal. Kalilibot. Ayan. Marami na naman akong nakitang kaiga-igayang likhang sining. (Patawad po at kung mapapansin ninyo, puro banyaga ang napupuntahang kong lugar. Hayaan ninyo't minsang isang araw, gawang Pinoy naman ang pag-uukulan ko ng atensyon).

Heto sila. Iba't-ibang mga tauhan sa website ni Sutter at Kevin. Mga Superest (o Super Heroes ng makabagong panahon). Puro mga likhang kamay at kahit pa nga napakaiksi ng caption nila ay talaga namang katawa-tawang tingnan.





Iba't ibang superhero sa iba't ibang araw. Ang galing hindi ba?

Tuesday, July 28, 2009

Sabi ni Plato: Patawad!

Sabi ni Plato: Mamamatay ako, ika'y mabubuhay. Kung alin ang nararapat, Diyos ang nakakaalam. ("I to die, and you to live. Which is better God only knows.")

Paghingi niya ito ng tawad dahil sa mga paratang na ang kanyang mga turo ay nakaapekto sa mga kabataan ng Athens. Sinabi pa nya: Ang buhay na walang pagsusuri ay hungkag na buhay. ("The unexamined life is not worth living.")

Kung ako'y nagkasala, at alam kong ako'y nagkasala, paano ako hihingi ng kapatawaran? Gaya ba ni Plato na hanggang sa huli'y matalinhaga ang pangungusap. O isang simpleng '...sorry!' kaya ay pwede na.

Wala lang talaga akong maisulat ngayon kaya hayaan ninyo na iwanan ko na lamang ang isang babasahing nakita ko sa Time. Ito'y tungkol sa sampung pinakaimportanteng paghingi ng paumanhin. Nanguna sa listahan si Obama dahil sa tinawag niyang 'stupidly' ang isang pag-aresto ng pulis sa isang 'colored person'.

Ano kaya ang pwede kong itawag sa mga politikong nakaupo sa Senado at Kongreso ng Pilipinas? O di kaya'y sa mga oposisyong wala nang ginawa kundi mag-'oppose' (kaya nga oposisyon e!).

Hay...kapag wala talagang magawa!

O e eto pa ang isa.


Kulayan ba talaga ang mga aso? Hmmmm...ayaw ng PETA n'yan.

Tuesday, July 21, 2009

200

E nabasa ko lang naman po na mas mainam raw ang maiksi. Sigurado akong hindi kasarian ang pinag-uusapan dito.

Bakit 200 ang pamagat? Nabasa ko kasi sa A Brief Message (hilig ko ang maggala nang maggala), na mainam ang maiksing panulat dahil mas nagiging hitik ito. Hindi na nga raw uso ang pahabaan.

Para bang ratiles na prutas na kahit maliit ay ubod naman ng tamis.

Parang langgam na kahit maliit ay kapupulutan ng ka-higanteng aral ng kasipagan.

Parang turnilyo sa wristwatch mo na kapag nawala ay nawawalan ng saysay ang kabuuan ng iyong relo (kahit gaano mo pa ito nabili ng mahal).

Kung kaya't mula ngayon, sisikapin kong maging kasing iksi ng 200 salita ang aking post. Magkagayo'y sisiguraduhin ko naman magiging hitik ito sa laman, kaalaman at mga kuwento.

E di simulan na natin. Ito'ng post na ito ay binubuo ng 146 na salita.

Saturday, July 11, 2009

Katawatawang nakakatuwang billboard ads

Maliit pa man ako, madalas na akong napapamangha sa mga naggagandahang billboard ads sa highway. Naalala ko pa nga tuwing bakasyon namin sa probinsya at sa tuwing dadaan kami sa Luzon Expressway sakay ng Pantranco, madalas nakakita ko ang mga pagkalaki-laking billboard ng mga patalastas tungkol sa mga fertilizers, nakatayo sa gitna ng malawak na palayan.

Nang huli akong umuwi sa Pinas, isang billboard ad ang nagpahalakhak sa akin sa istasyon ng LRT. Nakalimutan ko na kung sino ang may gawa. Para yatang sa isang eye clinic. Sayang wala akong kamera. Pero ikukuwento ko na lang ang itsura. Isang malaking litrato ng magandang babae na nakayakap sa isang matandang lalaki. Ang caption: Studies say that more women lose the clarity of their vision faster than men. O parang ganun. Tawa ako nang tawa.

(Isa pa yata nilang billboard ad na nakita ko naman sa EDSA ay isang matandang naggugupit ng bata. Nakasimangot ang bata dahil puro uka-uka ang pagkaka-ahit ng buhok nya. Ang caption: Poor eyesight leads to poor performance. O parang ganun. Tulad sa nauna, tawa ako nang tawa).

O di tumawa ka na rin sa mga sumusunod:








Sinipi ko ang mga patalastas na nakapaskil dito mula sa mga sumusunod na sites:

Adbroad
Best Design Options

Monday, July 6, 2009

Paalam, Michael

Tawagin mo man akong baduy, buong giting kong inaamin na hanga ako kay Michael Jackson at isa ako sa mga nalumbay nang siya ay mamaalam.

Dahil?

Dahil...

1. Nuong bata pa ako, laging naglalaro sa isip ko ang awit na 'Ben';

2. Minsan ko ring sinayaw ang 'Thriller' nung high school;

3. Nung ako'y nasa kolehiyo, isa sa mga hinangaan kong lyrics ang awiting 'Man in a Mirror'.

4. Malapit sa puso ko ang buhay ni Michael (sa kung paanong malapit din sa puso ko si Nora Aunor). Alam mo yung ganung pakiramdam...yung palaging kampi sa mga api. Masisisi mo ba ako? Pinoy ako e.

5. Siya lang ang naringgan ko ng ganitong sagot sa tanong na why do you love Filipinos?: '...because of their holy smiles...'.

A, basta. Nalungkot ako nang lumisan si Michael.

Ang ilan sa mga sumusunod na likhang artwork patungkol kay Michael Jackson ay hango mula sa Best Design Options.