
Natawa ako nang mabasa ko ang isang artikulo sa New York Times tungkol sa kauna-unahang pride day ng Tsina.
Natawa ako hindi dahil katawa-tawa ang larawan sa ibaba. Natawa ako dahil pinatunayan na naman ang paniniwalang patuloy na dumadami ang mga bakla kahit hindi ito nanganganak.
Maging dito sa Saudi Arabia, sinasabi nilang bawal ang mga bakla ngunit sa tuwing maglalakad ako sa kalye, marami akong nakikitang mga ate ko.
Para sa akin, ang pagiging bakla ay hindi sakit. Ito ay isang choice. Isang piniling pamumuhay. Psychological ba ito? Siguro. At dahil ito'y hindi sakit, hindi ito dapat inuman ng gamot o lunaan ng doktor. Piniling pamumuhay ito na dapat harapin ng buong tapang, ng may paninindigan at kabuuan ng loob.
Para sa akin, angel ang mga bakla. Masaya silang kasama. Walang oras ng kalungkutan. Lagi silang kapupulutan ng aral at kuwento. At higit sa lahat, sila ang pinaka-responsableng nilalang na nakita ko sa ibabaw ng mundo: mapagkalinga ng pamilya, matulungin sa ibang tao at palaging bukas ang puso sa awa. Malambot nga ang kanilang puso at ito ang wala sa karamihan ng mga sinasabing straight. Ito ang kawalan ng mga straight.