Saturday, May 23, 2009

Sariling pagkukulay

Kumain kami sa The Pizza Company nuong nakaraang linggo at nabigyan kami ng coloring books. Masarap ang pizza nila. Makapal ang crust at cheesy ang dough. Paborito ko ang seafood pizza dahil hindi nagpapanggap ang mga hipon at meron din crab meat.

Ngayong araw na ito, itinuloy ko pa rin ang pag-e-enjoy sa Pizza Company.

Dahil wala akong magawa at dahil bagot na bagot ako sa opisina, napag-isipan kong kulayan ang isa sa mga pahina ng libro na nakuha ko ng libre.

Ito ang tunay na larawan kung saan dapat ibatay ko ang mga kulay.



Ito naman ang aking sariling interpretasyon.



Malayong-malayo sa tunay na kulay. Mas lalong malayo sa nais na iparating na mensahe.

Hindi na nga ako bata. Ang bata kasi, susundin niya ang totoong kulay ayon sa pinagsisipian.

Dahil may sarili na akong karanasan at pamantayan ng tama at mali, iba na rin ang pananaw ko sa mga kulay -- at sa buhay.

Tuesday, May 19, 2009

Wari'y hinabing banig sa hinabing kwento

Madalas akong maghanap ng inspirasyon sa pagsusulat. Madali akong mabighani kapag ang isang gawa ay pinag-isipang mabuti, kakaiba ang dating at talaga namang kahanga-hanga. Kahit pa nga simple lang ito.

Kagabi, nabasa ko ang isang artikulo sa New York Times. Tungkol sa Berlin Wall ang kwento. Pero higit sa magandang pagkakahabi ng sanaysay, mas napatulala ako sa mga artwork. Simpleng paggamit ng papel na may magkaibang-kulay at hinabi na parang banig.

Isang araw, makapaghahabi rin ako ng isang kasing-gandang disenyo tulad nito.





Tunay ngang kabilib-bilib.

Saturday, May 16, 2009

Ano ang kulay ng blangko

Paano nga ba mailalarawan ang blangko? Isang puting papel na walang sulat? Isang garapong walang laman? Isang utak na maraming sala-salabat na ugat ngunit hindi gumagana? Eto ako ngayon. Blangko.

Hindi ko alam kung saan ba nagmula ang salitang homesick. Siguro sa home at sa sick (hindi ba halata?). Siguro gustong-gusto ko nang umuwi at nalulumbay akong lubha na makapiling ang aking mga mahal sa buhay. At sa sobrang lungkot, nagkakasakit na ako sa kaiisip. Iyon na nga marahil ang homesick. Pakiramdam na may gusto kang gawin pero hindi mo alam kung ano. May gusto kang gawin para maalis ang isip mo sa kalungkutan, pero sa kasamaang-palad naman, waring nakikiayon ang mga pangyayari sa iyong kalungkutan. Sandstorm sa labas. Kulay lupa ang langit. Walang mga bituin. Malungkot ang mga palabas sa telebisyon.

Hmmmm...

Lilipas din ang mga ito. Lilipas din ang pakiramdam na ito.


-----------Walang kinalaman sa titulo ng post ko-----------

Malugod kong binabati ang mga tagapagtaguyod ng PEBA 2009 dahil naging matagumpay ang kanilang patimpalak. Malugod ko ring binabati ang mga nanalo lalo na kay Azel (na sadya namang karapat-dapat na manalo). Ito ang aking pangako: sasali ulit ako sa mga susunod pang patimpalak ng PEBA.