Wednesday, August 12, 2009

Whew! Kaya ba ng lola mo 'to?

Bukas pa dapat ako maglalaba pero naisip ko mainit nga pala sa toilet kung saan ako naglalaba. Ilang araw na rin kasing mainit sa Saudi. Maalinsangan pa nga kaya't ilang minuto pa lamang sa loob ng toilet ay tagaktak na ako sa pawis. Kaya Miyerkoles pa lang ng gabi ay naglaba na ako. Bukas, tanghali na lamang ako gigising. Dayoff e!

Wala namang kinalaman ang paglalaba ko sa post na ito. Kanina lang kasi, upang maibsan ang pagod ko sa paglalaba ng mga damit ko, pinatugtog ko nang malakas ang aking tv habang nasa RTL siento-dos y cinque (102.5). Istasyon sya sa telebisyon (free to air) kung saan pinapakita ang mga bagong music videos.

Kanina muli kong napanood ang The Hardest Part ng Coldplay. Matagal ko na itong napanood at kahit ilang beses ko syang panoorin, iisa lagi ang reaksyon ko: wow! Lagi akong napapahalakhak at napapamangha ng video nila.

Heto, panoorin mo.



Whew! Kung sakaling buhay pa si Apong, ang tawag ko sa aking lola, hindi nya ito kakayanin. Sigurado ako.

Wednesday, August 5, 2009

Mabagal na papabilis ang biyahe ng buhay

Pagod ako ngayong araw na ito. Bumiyahe kasi kami kanina sa Jubail upang samahan ang mga bisita naming mula sa London upang makipagniig sa isa nilang kliyente. Mainit sa biyahe. Kahit pa nga Toyota Tahoe ang dala naming sasakyan, ramdam ko pa rin ang init ng daan.

Ang biyahe patungong Khobar mula sa aming opisina ay mahigit isang oras. Medyo nga nawala pa kami dahil hindi sinunod ng tagamaneho ang aking instruction. Sa huli'y nakita rin namin ang aming pakay na lugar at sa tulong ng Panginoo'y hindi naman kami gaanong nahuli.

Nang papauwi na kami mga bandang alas-dos ng hapon, hitik ang init ng araw sa highway. May mga nakita pa nga akong nagtatrabaho sa kalye, nagpapala ng sa wari ko'y mga buhangin upang malinis ang daan. Naawa ako sa kanila at nanliit ako ng bahagya. Naruon sila sa kainitan ng araw ngunit heto akong nagrereklamo ng discomfort. Nakakatawang nakakahiya sa sarili.

Ngunit ang napansin ko sa biyahe nami'y ito: kung gaano kabagal ang aming patungo sa pakay na lugar, ganuon naman kabilis ang biyahe namin pauwi. Nasabi ko tuloy sa sarili ko: Ang buhay ay paglalakbay sa highway.

Ito kasi siya: Sa kasibulan ng tao, wari'y napakabagal ng takbo ng panahon. May mga teenagers pa nga na nagnanais nang maging dalaga't binata kaagad. May mga dalaga't binata ngang nais na maging magulang kaagad. Labis ang kanilang pagmamadali. Ngunit...

May mga may edad namang wari'y nabibilisan sa biyahe pauwi (sa kung saa'y Diyos lamang ang nakakaalam). Kung kaya nga't karamihan sa mga gamot nila'y pampakinis ng kutis, pampabata, pampatibay ng resistensya, pampatubo ng nalalagas na buhok, pampawala ng wrinkles, at iba pa. Nakakatawa. Nang kabataan nila'y nagmamadali silang tumanda. At nang nagka-edad na'y nagpipilit magmukhang bata.

Yung biyahe namin kanina sa Jubail, ganuon na nga marahil ang magiging buhay. Mabagal ang patungo sa destinasyon; bibilis na sya sa oras ng pag-uwi.

Ang larawan ay sinipi ko mula sa blog ni Donveto nang sya'y magbiyahe mula Kuwait hanggang Bahrain (OMG! siguro'y mga limang oras yun!). Basahin nyo ang paglalakbay ni Donveto dito.

Saturday, August 1, 2009

Hindi na nag-iisa si Ninoy

Iilan lamang silang alam kong sa langit ang tungo ngayon.
Kaya't aking dalangin sa pagpanaw mo,
Kami sana'y idalangin mo rin ng taimtim...

At nang sa wakas ay makamtan na namin ang katahimikan,
pagbubuklod-buklod, kaunlaran at kalayaan laban sa
kahirapan, korupsyon, pagiging makasarili at holy-art-thou.