Sana araw-araw, Viernes Santo para lalong bumait ang mga Pilipino.
Viernes Santo ngayon. Naglagay ng isang basong tubig sa altar ang kasama ko sa bahay. Iinumin daw nya pamaya-mayang alas-tres. Ito daw ang dahilan kung bakit hindi sya masyadong dinapuan ng sakit nuong nakaraang taon.Ako din. Naglagay na rin ako ng isang basong tubig. Iinumin ko rin mamaya.
Marami pinaniniwalaang tradisyon ang mga Pilipino. Hindi dapat maligo kapag Viernes Santo. Dapat hindi masyadong magarbo sa Viernes Santo. Dapat walang masyadong tawanan (o katuwaan) dahil ginugunita ang kamatayan ni Jesus ngayon. Dapat laging nagdadasal sa Viernes Santo.
Sana araw-araw Viernes Santo na lang para lalong bumait ang mga Pilipino.
Viernes Santo ng aking kabataan
Kung nasa Pilipinas lang ako, makikinig kami ng Siete Palabras pagkapananghalian. At sigurado ako, panonoorin namin ang The Passion of the Christ. At makikipagprusisyon sa Santo Intiero sa hapon ng Biyernes. Sa Antipolo, kung saan ako lumaki, ito ang pinakamahabang prusisyon na dinadaluhan ko. Iniikot yata nito ang buong kabayanan ng Antipolo. Ito rin ang tanging prusisyon na ang dami-daming santo na kasama. Kami naman laging nakabuntot kay Maria Magdalena o kaya kay San Juan. Hindi ko alam kung bakit.
Noong bata pa ako, lagi naming inuulam ay dilis kapag Viernes Santo. Inis na inis ako pero ngayon alam ko na kung bakit. Nakikiayon siguro ang nanay ko sa okasyon.
Bawal din ang malalakas na tugtugin. (Tuwing Ramadan sa Saudi, puro pang-ponebre ang tugtog sa radyo. Bakit kaya hindi rin ganuon sa Pilipinas?).
Easter Vigil Mass
Ngunit ang pinaka-inaabangan kong araw ng taon ay ang Easter Vigil. Sa personal kong pananaw, ito ang pinakadramatikong misa ng mga Katoliko. Biruin mo, patay lahat ang ilaw sa simbahan at ang lahat ng kongregasyon ay nagtitipon sa labas, nakapalibot sa isang malaking siga. Dramatic di ba? At mauunang ipasok sa simbahan ang malaking vigil candle kung saan lahat ng tangan naming kandila ay sisindihan. Pinakamahaba rin ang misang ito (at dahil nga ginaganap sa hatinggabi, medyo nakakaantok rin). Pero may isang punto sa misa na sisindihan lahat ang ilaw. Napaka-dramatic talaga. At lagi akong napupuspos ng tuwa tuwing dumadalo ako sa isang Easter Vigil mass.
Dalawang taon na nang huling dumalo ako sa misa ng Easter Vigil.
Wala kasing Eastern Vigil mass dito sa Saudi.
}:{
No comments:
Post a Comment