Nagkaroon ng pag-eensayo sa aming opisina para sa pagdating ng sunog. Kami naman ng mga kasamahan ko ay tumuloy na pag-uwi dahil pinayagan naman kami ng aming amo.
Bakit nga ba kinakailangan pang magpraktis sa dadating na sakuna? Hindi ba't natural lamang na kapag narinig mo ang tunog ng alarma sa sunog, ang unang-una mong gagawin ay titingnan kung saan nga ba ang sunog. At kapag nakita mo na'y saka mo pa lamang ililigtas ang iyong sarili.
Kanina nang tumunog ang serena ng sunog, kami'y nagtatawanan pa at dahan-dahan kinuha ang aming gamit. Dahan-dahan kaming pumanaog sa emergency exit. At nagtatawanang nagtipon-tipon sa assembly area. Pag-eensayo nga ba ito para sa isang sakuna?
Haay, buhay...
Naalala ko limang taon na ang nakakaraan nang magkaroon ng isang sakuna dito sa aming pinagtatrabahuan. Isang umaga habang kami'y nagtatrabaho, nakarinig kami ng pagputok. Sabi ng mga kasama ko, baril daw. Sabi naman ng iba, flat tire daw. Dahil wala naman kaming iba pang narinig, nagtuloy-tuloy kami sa pagtatrabaho. Medyo nagulantang lang kami nang may sumigaw sa labas ng aming building.
'Lock all the doors!'
Hindi naman namin alam ang kadahilanan pero dahil mukha namang walang ibig masamang mangyari nung kung sinuman ang sumigaw, sinunod namin ang paalala nya. Isinara namin ang pinto at tinawagan namin ang taga-bantay ng building.
'We are under attack', sabi ng kausap ng amo ko. Medyo rin may pagka-over acting si Sir kaya nagpanic sya. Sinabi nya sa amin na medyo humahangos pa nga ang tinig nya (hindi ko naman alam kung bakit humahangos e dalawang kwarto lang ang pagitan ng aming opisina), inatake raw ng mga terorista ang aming opisina.
Hmmm...exciting, sabi ko sa sarili ko. Ano ba naman ang alam ko sa terrorist attack kundi ang mga napapanood ko na pelikula ni Steven Segall.
Naghintay lang kami ng tahimik at maya-maya pa'y may malakas na katok kaming narinig sa aming pintuan. Siyempre pa, hindi namin ito binuksan. E kung totoo ngang may terorista sa labas, di ba?
Nang bigla na lang kaming may marinig:
'This is the security. All people please evacuate the building!'
A, sabi ko, hindi na ito biro. Meron nga yatang emergency.
Parang katulad kanina, dahan-dahan kaming nagpulasan sa labas ng building at medyo nga may tawanan pa dahil hindi naman namin nalaman ang nangyari.
Paglabas namin, marami na ring tao sa assembly area. Totoo nga pala. Akala namin tsismis. Pinasok ng terorista ang aming opisina. Mabuti na lang at dala ko ang aking pitaka at susi sa bahay, pero hindi ko dala ang aking bag. Hindi na kami muling pinabalik sa opisina at abot-ngiti naman kaming sumunod.
Makailang oras pa nang malaman namin ang totoo sa British Broadcasting Company (BBC): dalawang Pilipino at isang Amerikano ang pinaslang sa loob ng aming building.
(Biro mo yon, una pang nalaman ng BBC ang nangyari samantalang ilang libong milya ang layo nila sa amin, samantalang kaming nasa loob mismo ng building ay walang kaalam-alam).
Ang pangyayaring ito ay totoo at ibinalita sa buong mundo.
Nakakalungkot.
Hindi ko alam kung ang ginawa naming pag-eensayo kanina ay babala sa isa na namang pag-atake ng mga terorista. Pero limang taon na ang nakakaraan?
Sana naman hindi na ito mangyari muli.
No comments:
Post a Comment