Tuesday, April 14, 2009

Paraiso Parausan, Panimula

Sa isang madilim na kalye sa Liliw, doon ko natagpuan Paraiso Parausan...
Ito ang panimula ng isang maiksing kwentong hindi ko alam kung saan patutungo. Ang alam ko lang, ang kanyang pamagat ay Paraiso Parausan.

Isa ba s'yang tao? Babae? Sa tono pa lamang ay masasabi nang isa s'yang babae. Paraiso ang pangalan. Nakatago sa kanyang malamlam na mata ang isang sinag ng pag-asa. Mahirap lamang s'ya ngunit isa s'yang masikap na babae. Pero bakit Parausan? Uri ba ng trabaho n'ya ito? O ito nga ba marahil ang kanyang tunay na huling pangalan? Paraiso Parausan. Babae. Dalaga.

Sa isang madilim na kalye sa Liliw, doon ko natagpuan ang Paraiso Parausan...
O isa nga ba itong lugar sa isang liblib na kanayunan sa Liliw. Lugar na kung saan nagtitipon-tipon ang mga maiinit na pangitain at naisasagawa ang tawag ng kalamnan. Lugar na kung saan pinamumugaran ng mga lalaking nalulumbay at mga babaeng handang magbigay ng aliw. Isang mumurahing kabaret marahil. Ang kahuli-hulihang kabaret ng aking kabataan.

Tama. Doon ko sa Paraiso Parausan Kabaret nakilala ang isang magandang dalaga na tinawag nilang Paraiso Parausan.

Bakit pumasok si Paraiso sa Paraiso Parausan? Dala ng kahirapan? O pinilit ng amain?

Marahil ay wala na syang ina (dahil sino'ng ina ang papayag na maging hostess ang kanyang dalaga?). Marami syang kapatid kaya napilitan syang pasukin ang ganitong trabaho.

Haaay...ang pagbubuo ng isang kuwento ay lubhang napakagulo.

Ilang tao na nga ba sya? Dalaga? Pero kung gawin ko kayang isang me edad nang babae. Me edad na hostess si Paraiso sa Paraiso Parausan. Tama. Si Paraiso ang kumbaga'y kagampanan ng pagiging binatilyo ng mga kabataang lalaki sa Liliw -- bukod siyempre sa tuli.

Ano ang nangyari kay Paraiso upang maging karapat-dapat syang tauhan sa aking maikling kuwento? O ano kaya ang maaring gawin ni Paraiso upang maging kaaya-aya ang kanyang pagiging tauhan sa kuwento ko? May lihim kaya siyang maibubunyag? Ano? Na siya ay isang ina? At ikinahiya siya ng kanyang anak? Hmmm...tipikal na teleserye. Hindi mainam.

Lihim...lihim...ang buhay ng tao ay punong-puno ng mga lihim. Pero ano ang lihim sa likod ng buhay ni Paraiso?

Malalaman bukas...malalaman ko bukas ang magiging kagampanan ng buhay ni Paraiso. (O maaari rin namang tulungan mo ako sa pagbubuo ng kwento n'ya. Ano'ng masasabi mo?).

}:{ Nais mo bang mabasa ang iba ko pang sanaysay?...

No comments: