Sandstorm ngayon. Senyales na iinit na ang panahon. Tag-araw na nga sa Saudi.
Ngayong hapon pagkagising, nakita ko na medyo makulimlim ang panahon. Sandstorm na naman. Tapos may kaunting ambon. Weird. Mabaho tuloy ang simoy ng hangin. Alimuom ba ang tawag nila duon? Makabubuti kung magtatagal ang ulan para malinis ang paligid at mawala ang alikabok na dala ng sandtorm.Ganito kasi kung magpalit ng panahon ang Saudi Arabia. Sandstorm muna. Tapos uulan. Ibig sabihin, tapos na ang aming tag-lamig. Ibig sabihin, tataas na naman ang bayad namin sa kuryente dahil lagi na namang nakabukas ang aming air-conditioner. Ibig sabihin, para na naman akong tanga na kanda-iwas sa araw sa takot na baka bumalik ang normal kong kulay -- ang kulay uling.
Ayaw ko sana ng tag-init. Mas gusto na tag-lamig sa Saudi dahil masarap ang bumaluktot sa kama. Iyon bang magtalukbong ka lang ng makapal na kumot habang nanonood ka ng telebisyon. Samantalang kapag tag-init, halos ayaw ko nang lumabas ng bahay dahil humid minsan ang panahon. Humid ay yong para kang nasa loob ng sauna bath. Kahit tumayo ka lang sa isang sulok, pagpapawisan ka at halos hindi ka makahinga. Ayoko nang ganun. Minsan lang naman yon mangyari sa Saudi. Kapag dumadating ang ganung panahon, nagkukulong na lang ako sa kuwarto.
Hihintayin ko lang matapos ang sandstorm. Aalis din ako pamaya-maya upang mamalengke ng isda. Gusto daw magluto ng ginataang tamban ng kasama ko. Masarap magluto ang mga kasama ko sa bahay. Ako lang ang taga-kain.
}:{
No comments:
Post a Comment