Wednesday, April 8, 2009

Empty cave

Ang pananampalataya ay paniniwala sa mga bagay na marami kang agam-agam.
Dumalo ako sa isang misang Katoliko dito sa lugar namin sa Saudi. Sa isang bahay lang ginanap. Eucharistic service ang tawag nila. Hindi pari ang namuno kundi isang taong itinalaga ng pari. Ang tawag sa kanya ay Eucharistic Priest o EP. Parang lay minister ba kung tawagin sa Pilipinas.

Dito kasi sa Saudi, wala namang simbahan maliban sa mga moske ng mga Muslim. Dahil mahigpit na ipinagbabawal dito ang pagkakaroon ng ibang relihiyon maliban sa Islam. Dito kasi ang pinaka-kanlungan ng relihiyong Islam. Nandito sa Saudi ang tinagurian nilang Mecca, isang sagradong lugar na dinadayo ng mga Muslim sa buong daigdig.

Pero hindi na rin naman kasing-higpit dati ang Saudi Arabia. Medyo tino-tolerate na nila ang ibang relihiyon pero huwag nga lamang hayagan. Dati-rati, madalas ang paghuli sa mga pagtitipong pangrelihiyon. Pero hindi na ngayon. Huwag nga lamang hayag at nakakabulabog sa ibang tao, lalong-lalo na sa mga Muslim. Nauunawaan ko naman ang paninindigan ng Saudi Arabia at nagpapasalamat na rin ako dahil kahit paano'y nagkakaroon din ng pagkakataong sumamba ang ibang relihiyon -- kahit pa ito'y palihim.

Ang pahayag sa misa

Sabi ng EP, isaisip daw namin ang kahulugan ng salitang 'empty cave' sa aming buhay. Ang reading kasi ngayon ay nagmula sa aklat ni Juan sa kung saan isinalaysay ang muling pagkabuhay ni Jesus. Iyon ung eksena sa kung saan natagpuan na lamang ni Magdalena, Juan at Simon Pedro na wala nang laman ang pinaglibingan kay Jesus.

Oo nga pala, dito sa Saudi tuwing Biyernes ang pagsamba ng mga Muslim. Kaya pati kaming mga Katoliko, inako na rin naming Linggo ang Biyernes. Ito rin kasi ang day-off naming lahat.

Kaya siguro nagtataka kayo kung bakit Miyerkoles Santo pa lamang sa Pilipinas ay Easter na ang reading namin dito sa Saudi. Ganito kasi dito. Advanced ng kaunti. Noong nakaraang linggo, nag-reading na kami ng pang-Viernes Santo.

(Pero hindi pa rin ako kumakain ng karne. At least hanggang Sabado siguro. Pero kanina, pinakain ako ng kasama ko ng McDonalds. Sabi nya pwede naman daw iyon dahil manok naman daw yun at hindi karne. Natawa na lamang ako, sabay subo sa kapirasong chicken burger. Sinabi ko na lamang sa sarili ko na hindi naman ang pumapasok sa bibig ang nakakasama sa tao, kundi sa kung ano ang lumalabas dito).

Empty cave

Ano nga ba ang pakahulugan ng 'empty cave' sa buhay ko?

Sa totoo lang, wala akong maisip. Maliban siguro sa katotohanang hanggang ngayon, marami pa rin akong agam-agam tungkol sa aking pananampalataya. Iyon naman ang faith di ba? Paniniwala sa mga bagay na marami kang agam-agam. Alam mong nanduon kahit hindi mo nakikita. Nadarama mo lamang ngunit hindi mo mahawakan.

Siguro ang empty cave sa buhay ko ay ang aking pananampalataya. Na dapat wala akong maging agam-agam dahil kilala ko at dinadakila ang aking Diyos. Dapat empty ako sa anumang doubt. Para sa pagdiriwang ng Easter, iyon siguro ang pakahulugan ng empty cave sa aking buhay. Ikaw? Ano ang pakahulugan mo sa 'empty cave' ni Jesus?

Happy easter sa inyong lahat.

}:{ Kalabitin mo si Tutubi sa itaas upang marating mo ang ibang pasyalan dito sa aking tahanan...

No comments: