Showing posts with label Usaping relihiyon. Show all posts
Showing posts with label Usaping relihiyon. Show all posts

Saturday, April 11, 2009

Sa ikatlong araw

At sa ikatlong araw, nabuhay Syang mag-muli...
Bakit nga ba itlog ang nakasanayang simbolo ng Easter?

Dahil sinasagisag daw nito ang paglalakbay ng buhay -- mula sa libingan (yong shell) patungo sa pagkabuhay (yong pagkapisa ng shell at paglabas ng inakay).

Makakanluraning tradisyon! Maka-wikipediang paniniwala.

Aaminin ko na: Hindi pa ako nakaranas ng egg-hunting. Sa mahal ng itlog sa Pilipinas (at kahit pa nga may mga manok kaming alagain), hindi pa rin namin makayang kulayan ang mga itlog at itago ito (upang hanaping muli).

Salubong. Ito lang tanging paraang alam ko sa paggunita ng muling pagkabuhay ni Hesus.

Ang salubong ay isang prusisyong ginaganap sa madaling araw ng Linggo, pagkatapos ng Viernes Santo, kung saan ipinapakita ang muling pagkikita ni Hesus at ni Inang Maria (na, sa hindi ko malamang kadahilanan, ay hindi naman naturan sa banal na aklat).

Hiwalay na nagtitipon ang babae't lalaki sa amin. Ang mga lalaki ay kasama ang Poong Hesus at ang mga babae nama'y ang Inang Maria. Sa magkabilang dulo ng pagkahaba-habang kalsada, magsasalubong ang kongregasyon at doon pakakawalan ang mga ibon at ibababa ang mga batang anghel.

May isa pa akong aaminin: nakalimutan ko na ang pakiramdam ng Salubong dahil bata pa ako nang huli akong sumali sa Salubong.

At mas lalo pa ngayong nasa Saudi Arabia ako. Kahit na wala ako sa Salubong bukas ng madaling araw sa Pilipinas, kahit paano'y lalasapin ko pa rin ang hindi ko na maalalang pakiramdam ng prusisyon. At bilang paggunita kay Hesus, heto ang isang simpleng banner na handog ko.



}:{ Nais mo bang mabasa ang iba ko pang sanaysay?...


Panalangin para sa Kuya ni Bing


Panginoon, lingapin Nyo po ang Kuya ni Bing. At isama nyo pong hipuin ng inyong mapagpalang kamay si Bing at ang kanyang pamilya. Tugunan Nyo po ang kanilang mga dalangin at bigyan Nyo po sila ng kapanatagan.

Friday, April 10, 2009

Viernes Santo ng aking kabataan

Sana araw-araw, Viernes Santo para lalong bumait ang mga Pilipino.
Viernes Santo ngayon. Naglagay ng isang basong tubig sa altar ang kasama ko sa bahay. Iinumin daw nya pamaya-mayang alas-tres. Ito daw ang dahilan kung bakit hindi sya masyadong dinapuan ng sakit nuong nakaraang taon.

Ako din. Naglagay na rin ako ng isang basong tubig. Iinumin ko rin mamaya.

Marami pinaniniwalaang tradisyon ang mga Pilipino. Hindi dapat maligo kapag Viernes Santo. Dapat hindi masyadong magarbo sa Viernes Santo. Dapat walang masyadong tawanan (o katuwaan) dahil ginugunita ang kamatayan ni Jesus ngayon. Dapat laging nagdadasal sa Viernes Santo.

Sana araw-araw Viernes Santo na lang para lalong bumait ang mga Pilipino.

Viernes Santo ng aking kabataan

Kung nasa Pilipinas lang ako, makikinig kami ng Siete Palabras pagkapananghalian. At sigurado ako, panonoorin namin ang The Passion of the Christ. At makikipagprusisyon sa Santo Intiero sa hapon ng Biyernes. Sa Antipolo, kung saan ako lumaki, ito ang pinakamahabang prusisyon na dinadaluhan ko. Iniikot yata nito ang buong kabayanan ng Antipolo. Ito rin ang tanging prusisyon na ang dami-daming santo na kasama. Kami naman laging nakabuntot kay Maria Magdalena o kaya kay San Juan. Hindi ko alam kung bakit.

Noong bata pa ako, lagi naming inuulam ay dilis kapag Viernes Santo. Inis na inis ako pero ngayon alam ko na kung bakit. Nakikiayon siguro ang nanay ko sa okasyon.

Bawal din ang malalakas na tugtugin. (Tuwing Ramadan sa Saudi, puro pang-ponebre ang tugtog sa radyo. Bakit kaya hindi rin ganuon sa Pilipinas?).

Easter Vigil Mass

Ngunit ang pinaka-inaabangan kong araw ng taon ay ang Easter Vigil. Sa personal kong pananaw, ito ang pinakadramatikong misa ng mga Katoliko. Biruin mo, patay lahat ang ilaw sa simbahan at ang lahat ng kongregasyon ay nagtitipon sa labas, nakapalibot sa isang malaking siga. Dramatic di ba? At mauunang ipasok sa simbahan ang malaking vigil candle kung saan lahat ng tangan naming kandila ay sisindihan. Pinakamahaba rin ang misang ito (at dahil nga ginaganap sa hatinggabi, medyo nakakaantok rin). Pero may isang punto sa misa na sisindihan lahat ang ilaw. Napaka-dramatic talaga. At lagi akong napupuspos ng tuwa tuwing dumadalo ako sa isang Easter Vigil mass.

Dalawang taon na nang huling dumalo ako sa misa ng Easter Vigil.

Wala kasing Eastern Vigil mass dito sa Saudi.


}:{

Wednesday, April 8, 2009

Empty cave

Ang pananampalataya ay paniniwala sa mga bagay na marami kang agam-agam.
Dumalo ako sa isang misang Katoliko dito sa lugar namin sa Saudi. Sa isang bahay lang ginanap. Eucharistic service ang tawag nila. Hindi pari ang namuno kundi isang taong itinalaga ng pari. Ang tawag sa kanya ay Eucharistic Priest o EP. Parang lay minister ba kung tawagin sa Pilipinas.

Dito kasi sa Saudi, wala namang simbahan maliban sa mga moske ng mga Muslim. Dahil mahigpit na ipinagbabawal dito ang pagkakaroon ng ibang relihiyon maliban sa Islam. Dito kasi ang pinaka-kanlungan ng relihiyong Islam. Nandito sa Saudi ang tinagurian nilang Mecca, isang sagradong lugar na dinadayo ng mga Muslim sa buong daigdig.

Pero hindi na rin naman kasing-higpit dati ang Saudi Arabia. Medyo tino-tolerate na nila ang ibang relihiyon pero huwag nga lamang hayagan. Dati-rati, madalas ang paghuli sa mga pagtitipong pangrelihiyon. Pero hindi na ngayon. Huwag nga lamang hayag at nakakabulabog sa ibang tao, lalong-lalo na sa mga Muslim. Nauunawaan ko naman ang paninindigan ng Saudi Arabia at nagpapasalamat na rin ako dahil kahit paano'y nagkakaroon din ng pagkakataong sumamba ang ibang relihiyon -- kahit pa ito'y palihim.

Ang pahayag sa misa

Sabi ng EP, isaisip daw namin ang kahulugan ng salitang 'empty cave' sa aming buhay. Ang reading kasi ngayon ay nagmula sa aklat ni Juan sa kung saan isinalaysay ang muling pagkabuhay ni Jesus. Iyon ung eksena sa kung saan natagpuan na lamang ni Magdalena, Juan at Simon Pedro na wala nang laman ang pinaglibingan kay Jesus.

Oo nga pala, dito sa Saudi tuwing Biyernes ang pagsamba ng mga Muslim. Kaya pati kaming mga Katoliko, inako na rin naming Linggo ang Biyernes. Ito rin kasi ang day-off naming lahat.

Kaya siguro nagtataka kayo kung bakit Miyerkoles Santo pa lamang sa Pilipinas ay Easter na ang reading namin dito sa Saudi. Ganito kasi dito. Advanced ng kaunti. Noong nakaraang linggo, nag-reading na kami ng pang-Viernes Santo.

(Pero hindi pa rin ako kumakain ng karne. At least hanggang Sabado siguro. Pero kanina, pinakain ako ng kasama ko ng McDonalds. Sabi nya pwede naman daw iyon dahil manok naman daw yun at hindi karne. Natawa na lamang ako, sabay subo sa kapirasong chicken burger. Sinabi ko na lamang sa sarili ko na hindi naman ang pumapasok sa bibig ang nakakasama sa tao, kundi sa kung ano ang lumalabas dito).

Empty cave

Ano nga ba ang pakahulugan ng 'empty cave' sa buhay ko?

Sa totoo lang, wala akong maisip. Maliban siguro sa katotohanang hanggang ngayon, marami pa rin akong agam-agam tungkol sa aking pananampalataya. Iyon naman ang faith di ba? Paniniwala sa mga bagay na marami kang agam-agam. Alam mong nanduon kahit hindi mo nakikita. Nadarama mo lamang ngunit hindi mo mahawakan.

Siguro ang empty cave sa buhay ko ay ang aking pananampalataya. Na dapat wala akong maging agam-agam dahil kilala ko at dinadakila ang aking Diyos. Dapat empty ako sa anumang doubt. Para sa pagdiriwang ng Easter, iyon siguro ang pakahulugan ng empty cave sa aking buhay. Ikaw? Ano ang pakahulugan mo sa 'empty cave' ni Jesus?

Happy easter sa inyong lahat.

}:{ Kalabitin mo si Tutubi sa itaas upang marating mo ang ibang pasyalan dito sa aking tahanan...