
At dahil hindi namin napagkasunduan kung saan ang meeting place, lalo pa kaming nalate kahahanap ng lugar. Pakiramdam ko nga ay sumali kami sa The Amazing Race dahil talagang nahirapan kami (at naubusan ng load sa katatawag sa mga nauna na kasamahan namin na naroon na sa lugar at nag-iihaw ng aming kakainin).
Sa pinag-usapang oras na ika-anim, nakalagpas na ang alas-siyete bago pa kami nakarating. Medyo nga may nagkainitan pa dahil napagbintangang hindi marunong sumunod sa instruction. Ako nama'y walang pakialam dahil halos ilang buwan ding hindi nakatikim ng dagat ang aking mga paa. Kaya't pagdating na pagdating sa lugar ay hinubad ko kaagad ang aking sapatos at nagpalit ng tsinelas. Tinungo ko ang dagat at parang batang isinawsaw ang aking mga daliri.
Nakakapagtaka. Napakainit na sa Saudi ngunit napakalamig pa rin ng tubig.
Inihanda ng mga kasama ko ang aming pagkain. Madami. May mga inihaw: isda, hotdog, gulay. May manok na hinurno. May pansit, lumpia. At inihanda ko nama'y adobo at ensaladang talong.
Matapos ang panalangin, sabay-sabay naming nilantakan ang pagkain sa gitna ng tawanan at tuksuhan sa kung ano ang aming iuuwi pagkatapos ng hapunan. Nakakatawa. Nakakatuwa.
Alas-otso na nang kami'y lumusong sa tubig. Malamig nga ngunit nakakasanayan naman. Mas malamig pa nga nang kami'y umahon (ganap na ika-siyam at kalahati ng gabi). Ika-sampu ay nasa biyahe na ulit kami pabalik.
Nagkasunduan kaming lahat na kami'y babalik kapag humitik na ang tag-araw sa Saudi at naging maligamgam na ang tubig ng Half Moon.
Sa susunod na lang ang mga larawan.
Pansamantala, napanood mo na ba ang Little Miss Sunshine? Napanood ko. Natuwa akong nalungkot dahil sa buhay ng mga tauhan sa pelikula. Nakakalungkot dahil lahat sila ay parang failure sa kanilang mga napiling buhay. Natuwa ako dahil kahit na wari'y hindi sila normal na pamilya, nandoon pa rin ang katatagan nila na mabuhay at ituloy ang kanilang sariling mga pangarap. Humalakhak ako sa dance number ng bata sa bandang huli ng pelikula. Itinuro ng lolo ang dance number. Hahaha. Panoorin mo kung gusto mong malaman kung bakit ako natawa.
